Friday, March 23, 2007

YCC citation for Best Performer - Maricel Soriano for Inang Yaya

Mga Nominado para sa Pinakamahusay sa Pagganap

Cherry Pie Picache – Kaleldo
Binangga at binago ni Cherry Pie Pichace sa pelikulang Kaleldo ang talamak, gasgas at maling representasyon ng lesbiana sa pelikulang Pilipino. Mahusay at matalino ang pagbuo ni Picache sa karakter ni Jess bilang lesbiana – malakas ngunit sensitibo, palaban ngunit mapagmahal, at matapang ngunit mapagkalinga. Dahil sa masusing pagganap ni Picache, buo ang karakter ni Jess bilang tao, babae, anak, kapatid, at partner. Isa ito sa pinakabuo at makataong representasyon ng isang lesbiana sa pelikulang Pilipino.


Buong Cast – Inang Yaya
Maingat na binuo ng mga aktor sa Inang Yaya ang kanilang mga karakter kaya naman kumikilos sila hindi ayon sa mga gasgas na karakterisasyon sa melodrama kundi ayon sa maingat at matalinong paghimay sa iba’t-ibang tensiyong kinakaharap ng mga kanilang mga karakter.

Balanse at buo ang pagganap ni Lisa Lorena bilang Lola Toots na sa simula’y mapangutya at mapag-bintang ay siya pang magiging “confidante” ni Ruby at makakatuklas sa kabutihan ng puso nito.

Ang papel na Louise at Ruby ay mahusay at matalinong naganpanan nina Erika Oreta at Tala Santos. Sa murang edad, nailarawan nila na kahit bata ay may kakayahang umarok at umunawa, mag-isip at dumama, magpasiya at kumilos tungkol sa iba’t ibang hamon ng kanilang munting mundo.

Ganap din ang karakterisasyon ng ibang mga nagsiganap tulad nila Zoren Logaspi at Sunshine Cruz bilang mga kareristang magulang ni Louise at Marita Zobel bilang nanay ni Norma.

(ang ilang bahagi dito ay mula sa sinulat ni Leo Zafra)


Maricel Soriano – Inang Yaya
Sa taong 2006, ang pinakamahusay na pagganap ay iginagawad kay Ms. Maricel Soriano sa kanyang pagganap bilang Inang Yaya. Pinamalas ni Ms. Soriano ang matalino at sensitibong pag-unawa at paghimay sa karakter ni Norma bilang yaya sa maluhong Louise at ina sa nangungulilang anak na si Ruby. Ramdam natin na sagad sa pagod ngunit puno ng pagmamahal si Norma habang pilit niyang hinahati ang pagmamahal na ito sa dalawang bata na para sa kanya ay pareho niyang anak. Batid tayo sa pagkimkim niya ng pighati sa pagkamatay ng kanyang ina. Saksi tayo sa pagninilay ni Norma sa desisyon kung sasama abroad sa piling ng alaga o mananatili sa sariling bansa at sa piling ng anak. Sapat at akma ang mga emosyon, damdamin at karanasan na ipinakita ni Ms Soriano sa pagtalakay niya sa karakter. Sensitibo, matalino, maingat, at may dangal ang ipinamalas na pagganap ni Maricel Soriano bilang Inang Yaya.

Hindi na iba si Ms. Maricel Soriano sa Young Critics Circle Film Desk. Dalawang beses na siyang nagawaran ng Pinakamahusay sa Pagganap – una, para sa Ikaw Pa Lang ang Minahal noong 1992, at pangalawa ay para sa Vampira noong 1994. Ilang taon na din ang nakalipas, at masaya ang YCC Film Desk na makapiling muli si Ms. Maricel Soriano para gawaran ng kanyang ikatlong Pinakamahusay sa Pagganap para sa pelikulang Inang Yaya.

Inang Yaya blog: http://inangyaya.blogspot.com/

No comments: